Saturday, November 19, 2011
Balut For Dummies
Hindi ko po maatim na kumain ng balut...
Naaawa ako sa sisiw sa loob sa sama ng kaniyang inabot
Di natuloy na paglaki at pagkabuhay
Naudlot ang kapalaran nang niluto ng buhay
Parang inapakan na pagkatao
Hinadlangan ng masasamang elemento
Napakarami kasing mga gung-gong sa gobyerno
lalo na sa lokal na munisipyo
Minsan nagtangka akong magsumbong
Mga walang sawa sa pandarambong
Kahit ano gawin kong kakangangawa
Tuloy pa rin ang kurakot kabi-kabila
Sanga-sanga na kasi ang kanilang impluwensiya
Mga kababayan koy mga pipi't bingi at nabulag na
Sa mga nakaupo ay Walang gustong kumontra
Dahil takot na maalipusta ng pangontrang demanda
Kung wala namang mahagilap na paninirang puri
Asahang may kakatok upang ikaw ay masuri
Kinabukasan ay asahan ang sandamakmak na problema
Dahil ikaw ay babagsakan ng sindak ni Kapitana
Una'y parang babasagin ang iyong marupok na shell
Para ikaw ay matakot at wag mag-"tell"
sasabihan ka ng malulutong na "Go to Hell !"
Mga pulis na kasabwat ay kakatok sa iyong doorbell.
Sadyang makapangyarihan ang mga alagad ng demonyo
dahil wala silang takot sa trabahong makamundo
gugulatin ka na lang ng mga gawa-gawang asunto
pagtutulungan hanggang magipit para lumayas kayo
Oh Diyos kong mapagmahal kami ay iyong gabayan
Milagro mo at grasya ay aming tunay na inaasahan
Kung karma ay di sapat para sila ay turuan ng leksiyon
paluin mo sila sa puwet ng iyong makapangyarihan na sinturon
Ang balut para sumarap daw ay budburan ng konting asin
Para ang lasa niya ay maging mas masarap at kaatim-atim
O Poon sana kami ay pwede mo ring hagisan ng kaunting biyaya
kaysa kami ay manatiling walang matakbuhan at nakatunganga
Sino ba ang niloloko ko, ako ba ay nawalan na ng bait
Dahil kahit ano pang ihagupit kong nagngi-ngitngit na galit
kapalaran sa mundo ay sadyang maalat at minsan ay mapait
parang tulad ng sabaw ng balot ito ay siguradong masisipsip
Hihigupin ka hanggang sa ikaw ay wala ng katas
unti-unting lalamunin ng kanilang di patas na batas
at gugulatin ng kung ano-ano pang untog at pasabog
walang matitira kundi ang mga durog na balat ng itlog
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment